Ako ay Pilipino
Kailangan kong mag-isip ng mga ideyang hindi malaswa para sa billboard.
Alam ko sandamakmak na ang billboard sa EDSA at nakakasuka na tingnan ang siyudad dahil don, pero anong magagawa kung kung milyun-milyon ang binabayad ng mga kumpanya sa ahensya para pigain kami at pag-isipin ng kung anu-anong kalokohang pagkakagastusan ng naghihirap kunong mga Pilipino.
Samantala, hindi ko alam kung bakit ako nagta-Tagalog nang ganito. Ang bagal ng oras kapag naghihintay ng tanghalian. Hindi ako lalabas ngayon ng opisina dahil saksakan ng init sa labas at ayokong ma-heat stroke. Ang hina ko pa naman uminom ng tubig.
====
Natarayan ko si Tatoff kanina, pero hindi na naman sya nagalit. Napagbuntunan ko lang siya ng sama ng loob. Salamt, chong at hindi mo dinibdib. Kung sa bagay, tinatarayan mo rin naman ako kapag puyat at inaantok ka. Haha.
====
Magpupunta kami sa Enchanted Kingdom ng SND sa Sabado. Tapos pupunta naman kami sa Baguio ng mga kaibigan ko mula sa Comm sa susunod na Sabado. Pupunta naman kami sa Batangas ng mga ka-opisina ko sa susunod na Sabado pa don. Pupunta naman si Tatoff sa Cagayan de Oro pagkatapos ng linggong yon. Sa madaling salita, hindi kami magkikita ng 3 linggo. Patay kang bata ka. Pero gagawa kami ng paraan. Ika nga, pag ayaw may dahilan, pag gusto may paraan.
Dahil libreng mangarap: Kelan kaya lalampas ng dalawang araw ang bakasyon ko? Kay hirap talaga kapag hindi pa regular, hindi pa pwedeng lumiban sa trabaho.
====
Nagbasa ako ng Young Blood kanina. Nakakalungkot ang istorya ng may akda. Nakakalungkot na talaga ang sitwasyon ng Pilipino ngayon. Mas marami na ang nagugutom. At kahit nakatapos ka ng pag-aaral, hindi nangangahulugang maganda ang kinabukasang naghihintay para sa 'yo. Nakakalungkot isipin pero sa probinsya, akala ng lahat na ang makatapos ng kolehiyo ang solusyon sa kahirapan. Pero hindi. Madalaas nararanasan ng iba ang kakarampot na sweldo. Halos lahat ng kakatapos lang, 'overworked at underpaid'. Kung ikukumpara natin ang unang sweldo sa ibang bansa sa Asya, napaka-hindi makatarungan ng natatanggap ng iba.
Kung tutuusin, kulang rin ang kinikita ko kung hindi ako 'nakikitira' sa nanay ko. Gusto ko man subukan humiwalay, para matuto pero mahirap at hindi praktikal. Saka sabi ko nga, kulang ang sweldo. Kung hindi man 'kulang' ang tawag don, 'isang kahig, isang tuka' ang labas ko. Wala akong maiipon man lang, at kailangan tanggalin ang mga simpleng luhong mayroon ako.
Siguro nga kaya kung kakayanin, pero hindi pa ngayon ang panahon. Ayokong mabuhay ng miserable kung may paraan naman para hindi mangyari 'yon.
=====
Masaya pala ako dahil medyo malakai (para sa 'kin) ang makukuha ko sa sideline na ginawa namin. Halos pang-isang buwang sweldo na, sa apat na araw na tinrabaho ko sa proyektong yon. Kahit pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat sa pera, wala akong magagawa kasi ganun pala talaga ang bayaran. Kung alam nyo lang kung gaano kadali ang ginawa ko, magugulat rin kayo. Sa U.S. kasi naka-base ung produkto kaya malamang konti lang para sa kanila yon. Pero para sa 'kin, parang hindi nga ako karapat-dapat. Teka, bakit nga ba ko nagrereklamo? May pang-Boracay ka na Jenie! Kaya lang kakagaling lang ng mga kaibigan ko don. Saka hindi pa rin ako pwede mag-leave. Ang buhay nga naman. Pag may panahon, walang pera. Pag may pera, walang panahon. Anak ng...


0 Comments:
Post a Comment
<< Home